December 24, 2024

2 drug pushers arestado sa Caloocan buy-bust

Pinuri ng bagong Northern Police District (NPD) Director na si P/BGen. Eliseo Cruz ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) matapos ang matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakasabat sa halos P.5 milyon halaga ng shabu mula sa dalawang naarestong drug pushers sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/BGen. Cruz ang naarestong mga suspek na si Dante Tordera, 45, isang notoryus drug pusher na dating nadakip dahil sa droga subalit, nakalaya noong March 20 dahil sa plea bargaining agreement sa Caloocan Regional Trial (RTC) Branch 120 at May Adriano, 45 ng 226 San Bartolome St. Maypajo, Brgy. 34.

Ayon kay P/BGen. Cruz, dakong 10 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr. ang buy-bust operation sa bahay ni Adriano kung saan isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makabili sa mga suspek ng P6,000 halaga ng shabu.

Kaagad sinuggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 65 gramo ng shabu na may standard drug prize P442,000.00 ang halaga, marked money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at limang pirasong P1,000 boodle money at isang digital weighing scale.