September 8, 2024

2 dedo, 1 sugatan sa sagasa ng truck sa Caloocan

TODAS ang isang lalaki at angkas nitong dalaga habang sugatan naman ang isa pang angkas na isang dalagita matapos masalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang tractor head sa Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong mga pinsala sa ulo at katawan ang mga biktimang sina alyas ‘John Paul’, 29, at alyas ‘Diane’, 18, habang ginagamot naman sa Caloocan City Medical Center ang 15-anyos na dalagita, pawang residente ng Brgy. 8, ng lungsod.

Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Physical Injury ang driver ng tractor head na may trailer chassis na si alyas ‘Telesforo’, 45, at residente ng Dasmariñas, Cavite matapos maaresto ni PSSg Julian Tayag.

Sa ulat ni Traffic investigator PSSg Rhou Anthony Gudgad kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa intersection ng Dagat-Dagatan Avenue at Lapu-Lapu Extension, Brgy. 12 ng lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na sakay ang mga biktima sa isang Honda Click motorcycle na minamaneho ni ‘John Paul’ habang binabagtas ang pagitan ng Lapu-Lapu at Dagat-Dagtan Avenue at pagsapit sa intersection ng naturang lugar ay sinalpok sila ng tractor head na minamaneho naman ni ‘Telesforo’ na patungo sa C3 Road.

Sa lakas ng impact, nasagasaan ng kaliwang bahagi ng likurang gulong  ang dalawang biktima na nagresulta ng agaran nilang pagkamatay habang isinugod naman ang dalagita sa naturang pagamutan.