December 28, 2024

2 DAYUHANG PEDOPHILES NAHARANG SA NAIA

NAPIGILANG makapasok ng bansa ang dalawang dayuhang pedophiles dahil sa pagiging “undesirable aliens.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), kinilala ang mga dayuhan na sina James Riley Grant , 44, at Gideon Hayes, 52.

Naharang si Grant sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Disyembre 22 habang si Hayes ay sa NAIA Terminal 1 noong Disyembre 20.

“We have noticed an upsurge in the arrival of foreign sex offenders in our ports,” saad ni BI Commissioner Norman Tansingco. “Despite published reports of their exclusions they keep coming here but we remain undeterred in our efforts to enforce the law against these unwanted aliens,” dagdag niya.

Aniya pa, pinagbabawalang makapasok ng bansa ang nasabing mga pasahero alinsunod sa probisyon ng Philippine Immigration Act of 1940.

Sa ilalim ng Section 9 (a) ng batas, ang mga taong  hinatulan sa krimen na sangkot sa moral turpitude ay hindi maaring pumasok sa Pilipinas.

Ayon sa bureau, naitalang sex offender si Grant sa Jacksonville, Florida. Hinatulan siya ng sex crimes 25 taon na ang nakalilipas.

Hinatulan naman naman si Hayes sa Australia 19 taon na ang nakalilipas dahil sa bastos na pagtrato sa mga bata. Inamin niya rin na pinapadalhan niya ang mga batang Filipino na name-meet niya lang sa online o sa kanyang pagbisita.

Kapwa blacklist na sa bureau ang nasabing mga dayuhan.