December 20, 2024

2 criminal gang members, arestado sa shabu sa Caloocan

DINAMBA ang dalawang criminal gang members na kapwa umano sangkot sa pagbebenta ng shabu matapos maaktuhan ng mga pulis na nagtatransaksyon ng illegal drugs sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

 Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NDP) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Caloocan police na isa sa mga miyembro ng “Geronga Criminal Gang” na si alyas “Junior Mafia” ay nakitang nagbebenta umano ng illegal na droga sa Block 31, Phase 1, Package 1, Lot 17, Barangay 176, Bagong Silang.

 Agad rumesponde sa naturang lugar ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PMAJ John David Chua at 4th MFC-RMFB NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilala bilang si Victor Pedrosa Jr alyas “Junior Mafia”, 52, habang nagawang makatakas ng hindi kilalang kanyang mga ka-transaksyon sa illegal drugs.

Nakumpiska kay Pedrosa ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 9.2 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P62,560.00;

Dakong ala-una naman ng madaling araw nang maaresto din ng mga operatiba ng SIS at 4th MFC-RMFB NCRPO si Marlon Adona alyas “Jay”, 31, miyembro ng “Mang Criminal Gang” nang maaktuhan rin na nagbebenta ng illegal na droga sa Phase 5A, Package 3, Block 4, Lot 2, Brgy. 176, Bagong Silang habang nagawa namang makatakas ang kanyang ka-transaksyon.

Nakuha kay Adona ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 4.8 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P32.640.00.

Kakasuhan ng pulisya ang mga suspek ng paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drug) Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).