January 23, 2025

2 CHINESE NATIONAL NABAWI SA CHINESE KIDNAPPERS



ARESTADO ang isang Chinese national na kinilalang si Jun Chen habang pinaghahanap na ang kasabwat nitong si Wen Zhongyan at apat pang kasamahan na sangkot sa pangingidnap sa kanilang mga kababayan sa Metro Manila.



Naaresto ang suspek ng mga awtoridad matapos ang isinagawang follow-up operation nang makatanggap mula sa concerned citizen ng tawag ang Dagonoy PCP na may lalaking Chinese na palakad-lakad sa kalsada na naka-posas.

Nang dalhin sa Sta. Ana Police Station ang lalaki, ikinuwento niyang lumuwas siya sa Maynila matapos mag-apply online bilang isang cook.

Pero nang makipagkita sa kausap na nagpakilalang employer, dinala na siya sa isang safehouse sa Makati at hindi na pinalabas.

Ikinasa ang followup operation sa Barangay San Antonio na pinanggalingan ng lalaki.

Tiyempo namang may natanggap silang tawag na may tumalon sa isa sa mga bahay roon.

Sa tulong ng caretaker ng bahay, nakapasok ang mga pulis at nakita ang lalaking Chinese na sugatan at sinasabing tumalon mula sa bahay.

Ayon kay Police Maj. Rommel Anicete, hepe ng MPD Crime Investigation Section, inakala nilang biktima ang lalaki pero kinilala siya ng biktima na siyang nagbantay at nanakit sa kaniya.

Na-rescue naman sa ika-4 na palapag ng bahay ang dalawa pang Chinese national na nakaposas at naka-kadena pa.

Tadtad ng pasa ang katawan ng babaeng Chinese at may mga paso pa sa paa. 

Siyam na araw na pala siyang nakakulong at tinangay pa ang P500,000 ipadadala sana niya sa kanyang pamilya sa China. Samantala, P20,000 naman ang nakuha sa kasama niyang lalaking Chinese na inalok lang ng swab test.

Lumalabas sa imbestigasyon na kini-kidnap ang mga Chinese national, pinagnanakawan, at hinihingan pa ng ransom ang kanilang mga pamilya sa China para sa kanilang kalayaan.

Kakasuhan ang inaresto ng kidnapping with serious illegal detention.