November 5, 2024

2 brand ng COVID-19 vaccine darating sa PH sa Pebrero – DOH

Dalawang klase ng COVID-19 vaccines ang darating sa bansa sa Pebrero, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.

“May portfolio po tayo na iba’t ibang mga bakuna and as early as February we might be receiving the deliveries of these vaccines,” saad ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang panayam sa Teleradyo ng ABS-CBN.

“Mayroon pong dalawang klase ng bakuna that can be available by February already,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, hindi na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon si Vergeire kaugnay sa bakuna. “Antayin po natin si vaccine czar. I hope you understand he is the one authorized to provide this kind of information,” saad niya, na ang tinutukoy ay si Secretary Carlito Galvez Jr., na siyang chief implementer ng national action plan on the pandemic ng pamahalaan.

Una nang nakipagsundo ang Pilipinas sa Serum Institute ng India para sa 30 milyon doses ng Covovax COVID-19 vaccine.

Available ang naturang bakuna sa third quarter ng 2021.

Nakakuha rin ang bansa ng 2.6 milyon na doses ng COVID-19 vaccines mula sa British-Swedish pharmaceutical firm AstraZeneca sa pamamagitan ng isang tripartite agreement sa local private firms.

Inaasahang darating ang bakuna  sa second quarter ng taon.

Ilan din local  government unit ang lumagda ng kasunduan kasama ang national government at AstraZenecia para sa supply ng inoculation shots.

Nakakipag-usap na rin ang pamahalaan sa iba pang manufacturer ng bakuna gaya ng Pfizer at Moderna ng United States, Sinovac Biotech at Sinopharm ng China, at Gamaleya Institute ng Russia para sa vaccination program.