May 13, 2025

2 BLACKLISTED CHINESE NATIONALS, NAHULI SA BACKDOOR EXIT SA TAWI-TAWI

TAWI-TAWI, Philippines — Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado matapos matanggap ang ulat ng panibagong tangkang pag-alis ng dalawang banyagang nasa blacklist sa pamamagitan ng illegal migration corridor o tinatawag na “backdoor route” sakay ng bangka sa Tawi-Tawi.

Ang insidente ay bahagi ng pinaigting na kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapalakas ng border security at immigration enforcement sa bansa.

Kinilala ang mga naarestong dayuhan bilang sina Li Yu, 27, at Liu Fei, 35 — kapwa Chinese nationals — na naaktuhan ng mga operatiba ng Maritime Police Station ng Tawi-Tawi noong Biyernes, habang isinasagawa ang regular foot patrol sa karagatang bahagi ng Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.

Katuwang sa operasyon ang 1st Special Operations Unit – PNP CIDG Provincial Field Unit, Marines Battalion Landing Team 4, 2nd MCIC, at MIACAT Bongao.

Nadiskubre ang dalawa na nakasakay sa isang barkong mula Zamboanga City, at nagpakilala gamit lamang ang larawan ng kanilang mga pasaporte. Sinabi pa nilang sila’y naninirahan sa Parañaque.

Matapos beripikahin ng mga BI intelligence operatives, lumitaw ang pangalan ng dalawa sa BI blacklist dahil sa pagkakasangkot sa isang establisyimentong sangkot sa prostitution at labor exploitation noong 2023. Sa parehong taon, idineklara rin silang undocumented at undesirable aliens.

Dagdag pa rito, kinilala rin ng gobyerno ng Tsina sina Li at Liu bilang mga fugitives na may kinahaharap na kasong financial fraud sa kanilang bansa.

Batay sa imbestigasyon, dumaan muna ang dalawa sa Zamboanga, bago nagtungo sa Tawi-Tawi, kung saan nila planong tumakas patungong Sabah sakay ng bangka.

Ayon sa BI, ililipat ang dalawa sa pasilidad ng ahensya sa Taguig City habang inihahanda ang kanilang deportation pabalik ng Tsina.

“Ito ay malinaw na paalala na hindi ligtas at hindi legal ang paggamit ng backdoor routes,” babala ni Commissioner Viado. “Ang Bureau of Immigration ay determinado sa pagsugpo sa illegal migration at pagtutulungan natin ang iba’t ibang ahensya upang mapanatili ang seguridad ng ating mga hangganan.”

Patuloy ang koordinasyon ng BI sa mga law enforcement at intelligence units upang bantayan ang mga illegal exit points sa bansa, lalong-lalo na sa mga lugar na malapit sa international maritime borders.