December 25, 2024

2 binata kulong sa P109-K marijuana

SA kulungan ang bagsak ng dalawang kelot matapos makuhanan ng higit sa P.1 milyon halaga ng marijuana sa isinagawang anti-illegal drug monitoring at surveillance operations ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Kazuya Okamoto, 20 ng B. Cruz St., Brgy. Tangos North, at Yusefh Alcaraz, 19, ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Ayon kay Col. Balasabas, nagsasagawa ng anti-illegal drug monitoring at surveillance operations ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez sa B. Cruz St. Brgy. Tangos North nang mapansin nila ang mga suspek na kahina-hinala umano habang may bitbit na isang kulay pulang Eco bag.

Nang sitahin, nadiskubre ng mga operatiba ang laman ng dalang Eco bag ng mga suspek ang humigit kumulang sa 915 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may corresponding standard drug price (SDP) P109, 800.00 ang halaga.

Inaresto nina PSSg Joey Ang III at PSSg Ryan Ballesteros ang mga suspek na kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.