January 24, 2025

2 BINATA ARESTADO SA MARIJUANA

Pinapangaralan ni Navotas Police Sub-Station 3 Chief P/Capt. Cyril Lawrence Tubongbanua sina Rodelson Roxas, 21, at Raymart Senolos, 21, matapos nila makuhanan ng nasa 72 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa Lapu-Lapu Bridge, Brgy. Bangkulasi, Navotas City. (RIC ROLDAN)

ARESTADO ang dalawang binata matapos makuhanan ng marijuana makaraang masita ng mga pulis na nagpapatupad ng city ordinance sa Lungsod ng Navotas.

Kinilala ni Navotas Police Sub-Station 3 Chief P/Capt. Cyril Lawrence Tubongbanua ang naarestong mga suspek na si Rodelson Roxas, 21 ng Longos, Malabon at Raymart Senolos, 21 ng Dagat-Dagata, Navotas.

Sa report ni SDEU investigator PCpl Jaycito Ferrer kay Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas, alas-4:45 ng madaling araw, nagpapatupad ng city ordinance ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 sa pamumuno ni P/Capt. Tubongbanua sa Lapu-Lapu Bridge, Brgy. Bangkulasi, Navotas city nang mapansin nila ang mga suspek na gumagala sa lugar na malinaw na paglabag sa curfew.

Nang sitahin, nakumpiska nina PCpl Regie Alilano at PCpl Paul Albert Awayang sa mga suspek ang 22 plastic sachets na naglalaman ng aabot sa 72 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nasa P8,640 ang halaga kaya’t inaresto ang dalawa.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang Navotas Police SS-3 sa pamumuno ni P/Capt. Tubongbanua sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Balasabas dahil sa matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek.