Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawang indibiduwal na pawang biktima ng human trafficking na nagtangkang umalis sa Zamboanga International Seaport (ZIS).
Sa ulat na ipinadala ni BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) head Ann Camille Mina kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, nasagip ang dalawang biktima na sadyang itinago ang pagkakakilanlan noong nakalipas na Marso 27.
Base sa impormasyon, tinangka ng mga dalawang babaeng biktima na 43-anyos at 40-anyos na makalusot sa TCEU at muntikang makasakay ng MV Antonia I patungo sa Sandakan, Sabah.
Nabatid na nagsabi ang mga biktima na
hiwalay na magbabakasyon subalit sa inspeksyon ay inamin ng mga ito na patungo sa Lebanon upang magtrabaho bilang mga household service worker.
Sa imbestigasyon pa ay nabatid na nanggaling sa Manila ang mga biktima at nagtungo sa Zamboanga bago inutusan ng kanilang recruiters na sumakay ng barko patungo sa Sandakan.
Idinagdag pa ng mga biktima na inutusan ang mga ito na manatili sa Malaysia sa loob ng isang araw habang hinihintay ang kanilang visa bago lumipad patungo sa Lebanon.
“These traffickers are now attempting to use other ports to evade strict security checks, thinking we have no presence there. As part of the IACAT, it is our duty to intercept such cases in order to protect our kababayans from harm,” sabi ni Tansingco.
Nai-turn over na sa Zamboanga Sea-Based Anti-Trafficking Task Force ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiters. ARSENIO TAN
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO