January 24, 2025

2 BEBOT TIMBOG SA “RETOKADONG” COVID-19 TEST RESULT

ARESTADO ang dalawang bebot dahil sa pagretoke ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) test results sa isang computer shop sa  Caloocan City.

Kinilala ang mga dinakip na sina Angelica Dellola at Jeshel Mohad, sa entrapment operation sa loob ng TJ Computer Shop sa Bougainvillea St., Maligaya Park, Brgy. 177.

Isang pulis ang nakakuha ng retokadong resulta ng rapid anti-body test sa halagang P500 mula sa nasabing shop at agad nang dinamba ang mga suspek, kamakalawa ng hapon.

Nag-ugat ang operasyon nang mag-viral ang Facebook post ng isang netizen na habang naghihintay umano siya sa nasabing computer shop ay naispatan ang isang babaeng empleyada ng shop na pinalitan ang pangalan sa isang rapid test result certificate sa pamamagitan ng Photoshop.

Matapos ang isinagawang hokus-pokus ay nag-print ng kopya ang bebot at ibinigay ito sa parokyano.

Tinunton ng pulisya ang klinika na nagdalawang-isip dahil maaaring makaapekto sa kanilang serbisyo ang isyu ngunit sa dakong huli ay nakipagtulungan rin.

Ipinasara ang shop at kinumpiska ang dalawang desktop computers kasama ang hard drives nito, dalawang printers, isang photocopiers, mga resibo at iba pang computer equipment.

Kinasuhan ng falsification of documents at paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang dalawang bebot.