December 26, 2024

2 bata patay sa sunog sa Caloocan

Nasawi ang dalawang bata na kapwa tatlong taong gulang matapos sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na bahay sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.

Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong sunog sa katawan ang biktimang si Kendal Janda, 3-anyos, babae habang hindi rin umabot ng buhay sa Tondo Hospital sanhi ng suffocation si Mikho Cabansag, 3-anyos.

Ayon kay Caloocan Fire Arson Investigator FO1 Billy Reuben Umipig, dakong 6:35 ng gabi, nakatanggap sila ng tawag mula sa 911 hinggil sa naganap na sunog sa 190 Ana Bustamante St. 2nd Avenue, Brgy. 43

Kaagad inatasan ni Fire Insp. Elyzer Ruben Leal, hepe ng Caloocan Fire Protection Investigation Intelligence Office ang kanyang mga tauhan na rumesponde sa naturang lugar at ideneklarang fireout ang sunog dakong alas-6:44 ng gabi.

Isang Alvin Ramos na residente sa naturang lugar ang tumulong na makuha sa nasusunog na bahay ang mga biktima at kaagad isinugod ang mga ito sa naturang pagamutan.

Sa imbestigasyon ni FO1 Umipig, tatlong pamilya ang naapektuhan ng sunog na nagsimula sa isang kuwarto sa unang palapag ng bahay habang tinatayang nasa P60,000 ang halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.

Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan BFP upang matukoy ang tunay na pinagmulan ng insidente.