November 5, 2024

2 BARANGAY SA NAVOTAS, ISINAILALIM SA LOCKDOWN

ISINAILALIM sa dalawang linggong lockdown ang dalawang barangay sa Navotas City simula August 3 ng hating gabi hanggang 4am ng August 16 dahil sa mabilis na pagdami ng hawaan ng COVID-19.

“Napilitan po tayong magpatupad ng lockdown sa Tanza 1 at Tanza 2 dahil sa mabilis na pagdami ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa nasabing mga barangay. Sa mass testing na ating isinagawa kamakailan lang, 25% ang nagpositibo. Bagaman may ECQ na sa August 6, kinailangan nating maglockdown para mahinto ang mabilis na hawaan,” ani Mayor Toby Tiangco. 

Lahat ng mga residente sa Tanza 1 at Tanza 2 ay dapat manatili sa bahay at kailangan sumailalim sa swab test ang mga residente sa lugar na mataas ang hawaan. Sinumang magpositibo ay dadalhin agad sa Community Isolation Facility. Bibigyan din ng relief packs ang mga pamilyang apektado. 

Samantala, ang mga may trabaho o negosyo ay papayagang lumabas hanggang August 5 pero dapat ay hindi sila close contact at kailangan lang magpresenta sila ng valid company ID, certificate of employment o business/DTI permit. 

Sa August 6-20, makalalabas lamang kung sino ang papayagan ng IATF.

Habang umiiral ang lockdown pati na ang ECQ, ang araw ng pamamalengke o pagbili ng essentials ng Brgy. Tanza 1 ay Miyerkules, Biyernes at Linggo. Sa Brgy. Tanza 2 naman ay Martes, Huwebes at Sabado. Pagsapit ng August 6, mga polisiya na ng ECQ ang susundin.

“Hindi po natin gusto ang lockdown; mahirap ito para sa ating lahat. Ngunit kailangan po ito para sa ikabubuti ng bawat isa. Hinihingi po namin ang iyong lubos na suporta at kooperasyon,” pahayag ng alkalde.