September 20, 2024

2 BANGKAY NG LALAKI LUMUTANG SA MALABON

Natagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalang nalunod sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Sub-Station 7 head PMAJ Patrick Alvarado, dakong alas-6 ng Lunes ng umaga nang makita ng ilang nagja-joging ang bangkay ni Ernesto Francisco Jr, 29 ng 27 Bernales II, Brgy. Baritan na nakalutang sa Megadike Riverbank, Brgy. Dampalit.

Ipinaalam ng mga nakasaksi ang insidente kay Ex-O Fernando Ramos, 42 ng Brgy. Dampalit na siya namang nagreport sa SS7 na rumesponde sa naturang lugar.

Sa pahayag ng ama ng biktima na si Ernesto Sr, kay police investigators PSSg Mardelio Osting at PSSg Diego Ngippol, madalas umalis ng kanilang bahay ang kanyang anak na walang paalam at nakikipag-inuman mga kaibigan at gabi na kung umuwi.

Dakong alas-4 ng hapon noong Agosto 28, umalis ang biktima sa kanilang bahay subalit hindi na nakauwi hanggang sa matagpuan itong patay at sa isinagawang cursory examination ng mga tauhan ng SOCO, nakitaan ng mga gasgas sa ulo at katawan ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may naganap na foul play sa insidente.

Sa Brgy. Potrero, isang bangkay din ng hindi kilalang lalaki na tinatayang nasa 25-30 ang edad, 5’5 ang taas, nakasout ng short at walang suot na damit ang natagpuan nakalutang sa San Miguel Compound sa Industrial Road dakong alas-6 ng umaga. (JUVY LUCERO)