
PASAY CITY — Dalawang babaeng Pinay ang nasagip ng Bureau of Immigration (BI) matapos matukoy na sila’y biktima ng isang notoryus na online trafficker na nambibiktima ng mga naghahanap ng trabaho sa social media.
Sa ulat na isinumite kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ng mga operatiba mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na naganap ang pagsagip sa mga biktima—na tinawag na “Annie” at “Aiza,” kapwa nasa mid-30s—noong Abril 25 sa NAIA Terminal 3.
Una, nagpanggap ang dalawa na magkaibigang magbabakasyon sa Hong Kong, ngunit naging kahina-hinala ang kanilang mga sagot sa primary inspection, kaya’t isinailalim sila sa mas masusing beripikasyon.
Sa follow-up interview, inamin ng dalawa na ang totoong destinasyon nila ay Bahrain, kung saan inalok sila ng trabaho sa isang pabrika kapalit ng sahod na 130 Bahraini Dinar o humigit-kumulang ₱19,000 kada buwan.
Natuklasan ng mga awtoridad na binigyan sila ng recruiter ng dalawang sobre—ang isa ay naglalaman ng travel documents para sa Hong Kong, habang ang isa ay may kasamang airline ticket at visa papuntang Bahrain, upang ikubli ang iligal na layunin ng kanilang biyahe.
Agad na inendorso ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanilang mga recruiter. (ARSENIO TAN)
More Stories
Seafarers, Karapat-dapat sa Mas Mura at Abot-Kayang Pagsasanay
PSAA LEAGUE SA TOPS USAPANG SPORTS
Bureau of Corrections at PUP, Nagkaroon ng Kasunduan Para sa Behavioral Modification ng mga Bilanggo