![](https://agilangbayan.com/wp-content/uploads/2025/02/image-87.png)
Rehas na bakal ang kinasadlakan ng dalawang babae na nagsasangla umano ng mga pekeng titulo ng lupa matapos ang isinagwang entrapment operation ng pulisya sa Barangay Burol Main, Dasmariñas, Cavite, Huwebes ng hapon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Regino Oñate, Chief of Police ng Dasmariñas PNP, ang dalawang suspek ay nahaharap sa kanilang pang-siyam na kasong estafa dahil sa parehong modus. Natunton ng mga awtoridad ang mga suspek matapos maghain ng reklamo ang isang biktima na naloko at nawalan ng malaking halaga dahil sa pekeng dokumentong isinangla ng mga suspek.
Nabatid na matagal nang minamanmanan ang mga suspek matapos makatanggap ng sunud-sunod na reklamo laban sa kanila.
“Ilang beses na naming natanggap ang parehong reklamo tungkol sa kanilang modus. Gumagamit sila ng pekeng titulo upang makaakit ng mga biktima,” ayon kay Oñate.
Sa operasyon, nagkunwaring interesado ang isang pulis sa pagsasangla ng titulo. Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money, agad silang inaresto. Nasamsam sa kanila ang iba’t ibang pekeng titulo ng lupa at iba pang dokumento.
“Napag-alaman namin na hindi ito ang unang beses na ginawa nila ito. Mayroon na silang walong naunang kasong estafa,” dagdag ng PNP.
Ayon sa isa sa mga biktima, “Hindi ko akalain na peke pala ang titulo. Malaking halaga ang nawala sa akin, pero buti na lang at nahuli sila.”
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa kasong estafa at falsification of public documents.
Pinaalalahanan ng PNP ang publiko na maging maingat sa mga transaksyon lalo na kung tungkol sa lupa at iba pang ari-arian.
“Siguraduhing suriin ang pagiging lehitimo ng mga titulo sa Registry of Deeds o sa mga kinauukulan bago magbayad o mag-invest,” ayon kay Oñate.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may iba pang biktima o kasabwat ang dalawang suspek. Hinihikayat din nila ang publiko na magsumbong kung may karagdagang impormasyon tungkol sa scam na ito.
More Stories
QC NAGDEKLARA NG DENGUE OUTBREAK
PAMBATO NG ‘ALYANSA’ NAPAKATINGKAD NG TRACK RECORD – PBBM
MARCOS PINUNA SI DUTERTE: ‘ANG SOLUSYON NILA SA LAHAT NG PROBLEMA AY PUMATAY PA NG PILIPINO’