December 25, 2024

2 ARESTADO SA PAMEMEKE NG SWAB TEST AT VACCINATION CARD SA MAYNILA

ARESTADO and dalawang suspek ng matapos mabisto ang paggawa at pagbebenta ng mga pekeng vaccination card at negative swab test results para sa COVID-19 sa isinagawang operasyon ng mga otoridad ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Maynila.

Ayon sa report na ipinadala ng  MPD kay PNP Chief PGen Eleazar, kinilala ang mga naaresto na sina Jimmy Santisima, 31,  residente ng No. 2473 Nickel St., Brgy 773 Zone 84, San Andres Bukid, Manila at si Edito Pan, 41 yrs old, residente ng No. 968 R. Hidalgo St., Brgy 393 Zone 40, Quiapo, Manila.

“I commend the Manila Police District for its successful operation that resulted in the arrest of two people who are behind the manufacture and selling of fake vaccination cards and RT-PCR test result in Quiapo,” ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar,

“Sa kabila ng ating mahigpit na babala, hindi natinag ang mga taong ito at  nararapat lamang na sila ay papanagutin sa kanilang kalokohan dahil buhay ng mga tao at kapakanan ng ating bansa ang nakataya dito,” dagdag niya.

Nag-ugat ang nasabing operasyon mula sa isang intellegence report tungkol sa isang tindahan sa              Quiapo na nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at negative RT-PCR test results.

Isa ang RT-PCR sa mga dokumentong hinihingi ng mga Lokal na Pamahalaan sa mga biyahero bago pumasok sa kanilang nasasakupan. May ilang lokalidad din naman ang humihingi ng vaccination cards subalit ginagamit din ito para makakuha ng diskwento sa ilang establisyemento.

Nadiskubre ng mga operatiba ng Manila Police District sa kanilang operasyon na mayroon nang ginagamit na mga template ang mga suspek na nagmula sa San Lazaro Hospital ang para sa mga pekeng swab test result habang sa Pasay City naman ang mga pekeng vaccination cards.

Nasamsam din ng pulis ang ilang pekeng dry seal ng ilang unibersidad at ahensya ng Pamahalaan kaya sila rin ay pinaghihinalaang mga namemeke ng iba pang mga dokumento tulad ng birth certificate at marriage contracts gayundin ang mga cenomar at iba pang mga importanteng dokumento.

Agad dinala sa MPD headquarters ang mga suspek at kasalukuyan nang nahaharap sa kaukulang mga kaso ng Violation of Article 175 of the Revised Penal Code (Falsification of Public Documents and Certificates) and Violation of Sec 9 (b) (Tampering of Records or Intentionally Providing Misinformation) of R.A. 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act).

“Inaasahan ko ang patuloy na agresibong kampanya ng ating kapulisan hindi lamang laban sa mga taong gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at RT-PCR kundi pati na rin sa mga taong bumibili at gumagamit ng mga ito,” mensahe ni Eleazar. (KOI HIPOLITO)