Nasamsam kay Ronnie Altirado ang 32 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P217,600 ang halaga sa isinagawang buy-bust operation sa R-10. Brgy. NBBN, Navotas City. (RIC ROLDAN)
ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makumpiskahan ng higit sa P.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan at Navotas City.
Ayon kay Caloocan Police Chief Col. Dario Menor, alas-12:50 ng Miyerkules ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo ang buy-bust operation kontra kay Jomel Pineda alyas Kuya, 42, tricycle driver sa kanyang bahay sa 419 Barrio Sta Rita North, Brgy. 188, Tala.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Pineda matapos bentahan ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P500 ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Narekober sa suspek ang aabot sa 15 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P102,000 ang halaga, digital weighing scale, at buy bust money.
Bandang alas-11:40 naman ng Martes ng gabi nang masakote din ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU team sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez ang tulak umano ng droga na si Ronnie Altirado, 50, ng Grace Park Brgy. 120, Caloocan sa buy-bust operation sa R-10 Brgy. NBBN, Navotas City.
Sinabi ni Col. Rolando Balasabas, nakumpiska kay Altirado ang aabot 32 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P217,600 ang halaga at P300 buy-bust money.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA