December 26, 2024

2 arestado sa droga at pagnanakaw sa Valenzuela

BAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug adik na tumangay sa singsing at cellular phone ng isang vendor na napadaan lang sa kanilang teritoryo sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Macaspac”, 23, at alyas “Mallari” 33, kapwa residente ng Dulong Tangke St. Brgy. Malinta.


Batay sa ulat, napadaan lamang umano ang biktimang si Ronald Buldani, 30, ng Purok 5, Wawa, Batangas City sa Dulong Tangke St. dakong alas 2 ng hapon nang harangin siya ni “Macapac” pagdating sa tapat ng bahay nito saka puwersahang kinuha ang kanyang mobile phone at singsing.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa Malinta Police Sub-Station 4 at makaraan lamang ang 10-minuto ay naaresto si “Macaspac”, kasama si Mallari.

Nang kapkapan, nakuha sa dalawa ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng kabuuang 0.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400, pati na ang tinangay nilang singsing at mobile phone sa biktima. Kasong paglabag sa Sections 11 of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharipin ng mga suspek habang karagdagan kasong pagnanakaw ang kakaharapin pa ni “Macaspac”.