December 26, 2024

2 arestado sa baril at P374K shabu sa Navotas

ISINELDA ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang isang misis matapos makuhanan ng baril at halos P.4 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Eduardo Monroy alyas “Pipoy”, 31 ng B. Cruz St., Brgy. Tangos North at Robelyn Nicandro alyas “Belen”, 29 ng Ignacio St., Brgy. Daanghari.

Base sa ulat ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz, dakong alas-10: 42 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo ng buy bust operation sa Badeo 4, Brgy. San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni Monroy.

Kaagad inaresto ng mga operatiba ang suspek matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer, kasama si Nicandro matapos makuhanan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na binili umano niya kay Monroy.

Nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 55 grams ng hinihinalang shahu na may corresponding standard drug price P374,000.00, isang Ingram na baril na may magazine at kargado ng limang bala ng cal. 9mm, digital weighing scale, sling bag, marked money at P500 cash. Ani PSSg Jaycito Ferrer, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ang kakaharapin ni Monroy.