September 22, 2024

(2 anak binigti ng padre de pamilya) MALAGIM NA PASKO!


NAHAHARAP sa dalawang counts ng parricide ang isang ama matapos niyang ibigti ang kanyang dalawang anak, kahapon ng umaga sa mismong araw ng Pasko.

Ayon kay PCol. Celso Rodriguez, hepe ng Taguig City police, sinasabing nauna umanong ‘magpakamatay’ ang ina ng tahanan noong Bisperas ng Pasko na sinasabing naging dahilan sa pagka-depress ng mister nito na humantong sa malagim na krimen.

“Nawalan siya ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, na madalas pag-awayan ng mag-asawa,” saad niya.

Sambit pa ni Rodriguez, sumuko ang suspek sa mga awtoridad na nagtangka ring mag-suicide sa pamamagitan nang pagbibigti pero naudlot nang mapatid ang ginamit na lubid.

Kinilala ang mga nasawing mga paslit na sina Akira;  3 at kapatid na si Kion, 1 at ina nila na si Carina, 23 dating call center agent, pawang residente ng Kamias St., North Signal, Taguig City.

Saad pa niya na sumailalim na ang suspek sa psychological at psychiatric evaluation at drug test, saad niya.

Samantala, isasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang bangkay ng ina ng mga biktima dahil may hinala sila na hindi suicide ang nangyari sa ina ng mga bata kundi ito ay pinatay o binigti rin ng suspek.

Duda rin ang kapatid ni Cardina sa suicide note na nakuha sa pagkamatay nito sa post niya sa Facebook.  Hindi umano sulat-kamay ng kaniyang kapatid ang suicide note at hindi umano magagawa ng kapatid na magpakamatay.

 “Walang naniniwala na nagpakamatay ang kapatid ko… Masyahin xa.. wla xa reason pra patayin ang sarili…,” ayon sa FB post.