May 1, 2025

195 PAMILYANG MANILEÑO, NABIYAYAAN NG LUPA SA ILALIM NG PROGRAMA NI MAYOR HONEY LACUNA

MAYNILA — Personal na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang seremonyang pamamahagi ng titulo ng lupa sa 195 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod bilang bahagi ng adbokasiya ng pamahalaang lungsod na bigyan ng seguridad sa paninirahan ang mga pamilyang matagal nang naninirahan sa Maynila ngunit walang sariling lupa.

Kasama sa okasyon sina Vice Mayor Yul Servo, Secretary to the Mayor Marlon Lacson, City Engineer Moises Alcantara, at Manila Urban Settlements Office (MUSO) chief Atty. Danilo de Guzman.

“Ang pamamahagi ng lupa ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lungsod na bigyan ng seguridad sa paninirahan ang mga pamilyang matagal nang naninirahan sa lungsod ngunit walang sariling lupang tinatayuan,” pahayag ni Mayor Lacuna.

Dagdag pa ng alkalde, malaking tulong ang pagkakaroon ng sariling tahanan para sa dignidad at katatagan ng bawat pamilyang Manileño. Aniya, hindi titigil ang city government sa paghahanap ng mga paraan upang mas marami pa ang matulungan.

Ayon kay Vice Mayor Yul Servo, ang patuloy na pamamahagi ng lupa ay patunay na tinutupad ni Mayor Lacuna ang pangakong tugunan ang problema sa pabahay sa lungsod.

Batay sa datos ng MUSO, ang 195 na benepisyaryo ngayong taon ang may pinakamaraming bilang ng nabigyan ng lupa mula nang simulan ang programa sa ilalim ng administrasyon ni dating Mayor Alfredo Lim.

Marami sa mga bagong benepisyaryo ay matagal nang umuupa ng bahay sa Maynila—ilang dekada na ang binilang ng kanilang paninirahan.

Ipinahayag din ni Atty. De Guzman na mas marami pang lote at housing units ang nakatakdang ipamahagi sa mga susunod na buwan.

Ang mga bagong may-ari ng lupa ay mula sa Singalong, Sta. Mesa, at Sampaloc. (ARSENIO TAN)