November 3, 2024

18-anyos pinaghahataw ng kahoy ng binatilyong kainuman sa Malabon

Pinagpapalo ng kahoy ng 17-anyos na binatilyo ang kanyang kainuman nang matalo siya sa kanilang pagsusuntukan Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ng kanyang mga kaibigan ang biktimang si Rhian Charles Marcelo, 18, residente ng 15K M. Santos St Brgy. Santulan matapos magtamo ng mga sugat sa ulo sanhi ng ginawang pamamalo ng menor-de-edad na kainuman.

Sa ulat na natanggap ni Malabon police P/Col Albert Barot kina P/SSgt, Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol, may hawak ng kaso, nag-iinuman ang biktima at suspek, kasama ang kanilang mga kaibigan, sa kahabaan ng Custodio St. Brgy. Santulan nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo dakong alas-3 ng madaling araw na nauwi sa kanilang pagsusuntukan.

Kaagad namang namagitan ang kanilang mga kaibigan kaya’t naawat ang kanilang pambubuno subalit dahil bahagyang na-argabiyado, bumuwelta ang binatilyo nang makadampot ng dos-por-dos na kahoy at pinaghahataw sa ulo ang biktima.

Natigil lang ang panghahataw ng suspek nang mabali na umano ang hawak niyang kahoy sa tindi ng ginawang pamamalo.

Nakapagresponde naman kaagad sina P/CMSgt. Gilbert Pascual, P/Cpl. Zhyram Batay-an at P/Cpl Mark Bryan Pacot ng Malabon Police Sub-Station 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa binatilyo.

Sinabi ni Col. Barot na dahil sa pagiging menor-de-edad, pansamantala munng dinala sa Bahay Pagasa ang suspek matapos siyang iprisinta sa piskalya ng Malabon para sa kakaharaping kasong serious physical injury.