
Maynila — Humigit-kumulang 18.9 milyong Pilipino na nagtapos ng sekundaryang edukasyon mula 2019 hanggang 2024 ang maituturing pa ring “functional illiterate” ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), na tinalakay sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules.
Sa kabila ng taon-taong pag-aaral, natuklasan ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng PSA na malaking bahagi ng mga graduate ay hirap pa ring umintindi ng kanilang binabasa, bagay na itinuturing ng mga eksperto bilang malaking krisis sa edukasyon.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, chair ng Senate committee on basic education, ang naturang datos ay dapat gumising sa mga policymaker upang agarang bumuo ng malawakang pambansang estratehiya laban sa lumalalang literacy crisis. “Isang sa bawat limang senior high school graduate ngayong 2024 ay hindi marunong umunawa ng isang simpleng kuwento,” ani Gatchalian. “Napakabigat nito.”
Ginamit din ng senador ang datos ng PSA upang tantyahin na may 24.82 milyong Pilipino edad 10 hanggang 64 na functional illiterate, habang 5.86 milyon ang basic illiterate, o hindi marunong magbasa, magsulat, at magkwenta.
Ipinaliwanag ni Lynn Pinugu, tagapagtaguyod ng edukasyon at tagapagtatag ng NGO na Mano Amiga, na ang functional illiteracy ay ang kakayahang magbasa at magsulat ngunit hindi ito magamit nang epektibo sa araw-araw. Halimbawa: marunong mag-signature, pero hindi marunong pumuno ng job application form o umintindi ng health instructions.
Dagdag pa ni Pinugu, ito ay nagdudulot ng kakulangan sa oportunidad sa trabaho, pagkakait sa impormasyon, at mas mataas na posibilidad ng kahirapan at pananamantala. Mas masaklap pa, ito ay naipapasa sa susunod na henerasyon, dahil ang mga batang lumaki sa pamilyang mababa ang literacy level ay kadalasang nahihirapan ding matuto.
Sa Senate hearing, binanggit ni PSA Assistant National Statistician Adrian Cerezo na binago ng 2024 FLEMMS ang depinisyon ng functional literacy upang isama na ang reading comprehension, hindi lang simpleng pagbabasa, pagsusulat, at pagkwenta.
Ayon sa kanya, tanging 79% lamang ng mga senior high school graduates ngayong taon ang maituturing na functional literate. Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi dapat pinagtatapos sa high school ang mga estudyanteng hindi pa kayang umunawa ng isang simpleng kuwento. Hinimok rin niya ang mga local government units na gamitin ang PSA data para gumawa ng sariling literacy programs, lalo na sa mga lalawigang may mataas na poverty rate tulad ng Tawi-Tawi at Davao Occidental.
More Stories
P102K SHABU NASAMSAM! KELOT KUMAGAT SA BUY-BUST SA VALENZUELA
Iba-ban si referee Collantes… DESISYON MALAMANG MABALIGTAD PABOR KAY SUAREZ NG PILIPINAS
Drug suspect, tiklo sa buy-bust sa Valenzuela