November 5, 2024

17 PULIS-MAYNILA, ISASALANG SA ‘RETRAINING’

SASAILALIM sa training ang mga kagawad ng Paco Police Community Precinct  na unang inalis sa posisyon matapos masangkot sa iregularidad ang kanilang tatlong kasamahan.

Ayon kay MPD District Director, PBGen Andre Dizon, kursong Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement for Police in Line with Internal Cleansing Efforts o FORM POLICE Training, ang  daraanan ng 17 kasapi ng nasabing Police Community Precinct.

Sinabi ni Gen Dizon na 45 araw na tatagal ang nasabing training na magsisimula ngayon.

Nakapagtalaga na rin si Gen. Dizon ng mga tauhan sa Paco PCP na ilang araw na ngayong naninilbihan sa nasabing himpilan.

Sa ginanap na seremonya sa MPD headquarters, pinaliwanag ni Gen. Dizon na kailangan ang nasabing training upang ipaalala sa mga pulis ang mga panuntunan at polisiya ng PNP.

Nakalulungkot aniya na sa maliit na halaga ay madurungisan ang imahe ng isang pulis na hindi lang siya ang apektado kundi ang kanyang pamilya.

Paalala ni Gen. Dizon, hindi tama ang pagnanasa sa mga materyal na bagay kundi mamuhay  ng simple bilang ordinaryong public servant, huwag makipagpaligsahan sa mga nakatataas ng ranggo.