November 24, 2024

17 nadagdag na nasawi sa pandemya sa CAMANAVA

Labimpito ang nadagdag na binawian ng buhay sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) dahil sa COVID-19 batay sa pinakahuling ulat ng mga City Health Offices ng mga nasabing lungsod at 4,272 naman ang active cases sa nasabing bahagi ng Kalakhang Maynila.

Pito ang patay sa Valenzuela City hanggang 10 pm ng Marso 29 habang 846 ang active cases makaraang 258 ang magpositibo at 259 ang naman ang gumaling.

Sumampa na sa 12,571 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 11,404 na ang gumaling at 321 na ang namamatay.

Apat naman ang patay sa Navotas hanggang 6pm ng Marso 28 samantalang 1,299 ang active cases matapos na 167 ang magpositibo at 109 lamang ang maitalang gumaling.

Umakyat na sa 8,179 ang nagpositibo sa coronavirus sa fishing capital, at sa bilang na ito ay 6,643 na ang gumaling habang 237 na ang namatay.

Nadagdagan naman ng apat ang pandemic fatalities ng Malabon City nitong Marso 29 at ngayon ay 318 na ang COVID death toll ng siyudad, habang 141 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 9,213 na ang positive cases sa lungsod, 1,075 dito ang active cases.

Sa kabilang banda, 123 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay nasa 7,820 ang recovered patients ng siyudad. Dalawa ang patay sa Caloocan dahil sa COVID nitong Marso 29 habang 1,052 ang active cases.  Umabot na sa 17,504 ang confirmed cases sa siyudad, kung saan 15,912 na ang gumaling at 540 na ang binawian ng buhay.