May 7, 2025

17-ANYOS NA INA AT SANGGOL PINATAY SA LOOB NG KANILANG BAHAY SA DAVAO OCCIDENTAL

Natagpuan na lamang na wala nang buhay ang isang 17-anyos na babae at ang kanyang sanggol na anak sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Talogoy, matapos magreklamo ang mga kapitbahay sa masangsang na amoy na nagmumula sa lugar, Huwebes, Mayo 2.

Ayon sa pulisya, kapwa nagtamo ng mga taga sa ulo at leeg ang mag-ina. Narekober sa crime scene ang isang bolo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Itinuturong suspek ang live-in partner ng babae, na nakatakas matapos ang krimen. Lumalabas na ilang araw bago ang insidente, nagsumite ng reklamo ang magkasintahan sa barangay noong Abril 15 dahil sa isang alitang pampamilya.

Pinaniniwalaan ng mga imbestigador na noong Abril 29 pa pinaslang ang mga biktima, ngunit natuklasan lang ang krimen makalipas ang tatlong araw.

Isa sa mga tinitingnang motibo ng pulisya: selos.

Patuloy ang manhunt operation laban sa suspek, habang puspusan rin ang follow-up investigation para sa hustisya ng pinaslang na ina at sanggol.