December 24, 2024

169 suspek arestado sa 10 araw na anti-criminality operation sa Batangas

Umabot sa 169 katao ang naaresto sa anti-criminality  operation kontra kriminalidad na isinagawa sa unang 10 araw ngayong Agosto 2021 ng Batangas Police Provincial Office sa pamumuno ni BPPO Provincial Director PCol. Glicerio Cansilao.

Sa ginawang operasyon kontra wanted persons, 23 ang nahuli sa bisa ng mga warrant of arrests; 12 rito ay mga tinaguriang Most Wanted Persons. Nasa 64 na mga drug personalities naman ang nahuli sa buy-bust operations kung saan nasa 55.11 gramo ng shabu at isang gramo ng marijuana na may kabuuang P 374, 868.00 halaga ang nakumpiska sa 10 araw na operasyon.

Sa kabilang banda, 74 katao ang nahuli sa mga operasyon kontra iligal na sugal o Presidential Decree (PD1602) at 8  katao naman ang nahulihan ng mga hindi lisensyadong baril o lumabag sa Ilegal Possesion of Firearms (RA 10195).

Samantala, patuloy naman ang pagbabantay ng ating kapulisan sa mga Law Enforcement Control Points (LECP) sa mga exit ng Startollway na papasok ng probinsya (Southbound). Kabilang sa mga LECP ay ang Sto Tomas Exit, Tanauan Exit, Malvar Exit, Sto Toribio, Tambo Lipa Exit, Ibaan Exit, at Batangas City Exit.

Ayon naman kay PCol. Cansilao nananatili rin ang mga Quarantine Control Points sa mga boundary ng Batangas at mga lugar na sakop ng NCR Bubble. Kabilang dito ay ang mga QCP sa Boundary ng Nasugbu at Ternate, boundary ng Nasugbu at Alfonso, boundary ng Sto. Tomas at Alaminos, Laguna, at boundary ng Sto. Tomas at Calamba, Laguna Sa bawat QCP na ito ay kasama ng ating kapulisan ang ibang government agencies gaya ng AFP,  BFP, PCG at mga Force Multipliers.

Dagdag pa nito na, “Doble o triple po ang efforts na ginagawa ng ating kapulisan upang magampanan ang mga tungkulin na nakaatang sa aming mga balikat kasama na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim ng mas pinahigpit na General Community Quarantine sa probinsya ng Batangas. Makakaasa po kayo na patuloy po ang aming pagseserbisyo nang sa gayon ay maging ligtas ang bawat isa sa banta kriminalidad at COVID-19”.  (KOI HIPOLITO)