Nasa 16 katao ang isinugod sa hospital matapos mapilitang lumikas sa kanilang mga bahay ang mga residente ng dalawang barangays sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan kasunod ng pagtagas ng ammonia sa planta ng yelo sa Navotas City, Martes ng madaling araw.
Nakatanggap din ng ulat ang Navotas City Police Tactical Operation Center (TOC) hinggil sa pagkamatay ni Edwin Dela Vina, 49, ng Ilang-Ilang Street, Brgy. NBBS-Kaunlaran na nahirapang huminga nang may mabahong amoy dahil sa pagtagas ng ammoniya na naganap alas-2:50 ng madaling araw sa Magsimpan Ice Plant located along M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas city.
Gayunpaman, sinabi ng nakababatang kapatid ng biktima na si Ralph, 43, sa pulisya na si Edwin, na dinala sa Navotas City Hospital ay dumaranas ng chronic heart enlargement. Ayon sa kanyang attending physician, ang kanyang ikinamatay ay sanhi ng Acute Coronary Syndrome.
Sa ulat na nakarating sa opisina ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, habang ang mga empleyado ng Magsimpan Ice Plant ay nagtatrabaho sa kani-kanilang lugar nang napansin nila ang isang malakas na amoy ng ammonia na naging dahilan upang agad silang umalis sa company premises at humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga pulis.
Umabot ang amoy ng ammonia sa Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran at NBBS Proper na naging dahilan upang agad maglabasan ang mga residente sa kanilang bahay habang tinatakpan ang kanilang mga bibig at ilong upang lumikas.
Mabilis namang rumesponde ang pulisya at mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni F/Insp. Pedrito Polo at tatlong BFP fire trucks sa naturang lugar para magsagawa ng imbestigasyon at mapigil ang pagtagas ng ammonia.
Sa ulat ng DRRMO, napigilan ang pagtagas ng ammonia bandang alas-4 ng madaling habang ilang taong nakatira malapit sa lugar ang isinugod sa hospital ng lungsod dahil sa hirap sa paghinga.
Ipinag-utos din ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pansamantalang pagsususpinde sa operasyon ng Magsimpan Ice Plant upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng empleyado at mga residenteng nakatira malapit sa lugar.
Ang Magsimpan Ice Plant ay nasa sampung taon nang operational at sa kabila ng patuloy na safety checks na isinasagawa ng BFP at Pamahalang Lungsod ng Navotas, dalawang beses nang nakapagtala ng ammonia leak ang kumpanya noong nakaraang taon at ang pinakahuli ay nangyari nitong Martes ng madaling araw.
Sinabi ng Navotas City Health Office na ang liquid ammonia, na ginagamit bilang regrigerant o coolant para sa paggawa ng purified tube ice, ay mapanganib sa mga taong direktang nalantad sa malalaking konsentrasyon na maaaring magdulot ng mga komplikasyon tulad ng pagkabulag, pagkatuyo ng lalamunan at hirap sa paghinga na maaaring ikamatay.
More Stories
Panghaharas ng China Coast Guard sa West Philippine Sea asahan na… MAINIT ANG ULO SA ATIN NG TSINA – ANALYST
AMA NA GINAWANG PARAUSAN ANG STEPDAUGHTER, ARESTADO MATAPOS MANG-HOSTAGE NG ANAK
BuCor nagsagawa ng seminar workshop kaugnay sa GCTA