November 25, 2024

150 BAHAY NAUBOS SA SUNOG SA CAVITE

Muling sumiklab ngayong Linggo ang malaking sunog sa mga bahay sa Cavite City, wala pang isang buwan mula nang mangyari ang isang kaparehong insidente.

Ayon kay Cavite Provincial Fire Director Supt. Rene Bullos, tinatayang nasa 150 bahay sa Barangay 10-B, Aplayang Munti ang natupok nang sumiklab ang sunog bandang alas-4 ng madaling araw.

Sa video mula kay Cavite City Vice Mayor Denver Chua, makikitang nagliwanag ang kalangitan sa laki at taas ng apoy na nagmumula sa mga bahay na malapit sa sementeryo.

“Mayroon po tayong isang residente dito na nakausap. Kinukuwento niya na nagsimula ‘yong sunog nang magkaroon po ng brownout. Pagpatay po ng ilaw, doon na po nagsimula,” sabi ni Chua sa kaniyang video.

Dikit-dikit at gawa sa light materials ang mga bahay, at sumabay pa ang malakas na hangin kaya umano mabilis kumalat ang apoy.

Umabot ng ikatlong alarma ang sunog na napatay bandang alas-6 na ng umaga.

Wala namang naitalang nasaktan sa sunog, habang inaalam pa ang bilang ng mga apektadong residente.

Noong Pebrero 12, tumama din ang sunog sa Barangay 24, 25, 26, at 27 sa Zone 3, Caridad, Cavite City, kung saan nasa 100 bahay ang natupok at 760 pamilya ang apektado.