December 27, 2024

15-anyos arestado sa baril at pagnanakaw sa Malabon

ARESTADO ang 15-anyos na binatilyo na armado ng baril matapos pasukin ang barracks ng mga construction worker at tangayin ang apat na cellular phones sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt Diego Ngippol at P/Cpl Renz Marlon Baniqued, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang pasukin ng binatilyo ang barracks ng mga construction worker sa isang construction site sa Pampano St. Brgy. Longos at tinangay ang apat na cellphones ng natutulong na mga trabahador.

Gayunman, nagising ang isa sa mga construction worker na si Ronel Abucejo, 35, at napansin niya ang presensiya ng suspek na nagmamadaling lumabas tangay ang kanilang cellphones.

Agad ginising ni Abucejo ang kanyang mga katrabaho at humingi sila ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na kaagad hinabol ang binatilyo hanggang makorner siya nina P/Cpl. Sergio Consulta III, Pat. Alexis Canizarez at Pat. John Cedric Goque.

Narekober sa binatilyo ang apat na mobile phones na aabot P12,800 ang halaga habang nang kapkapan ay nakumpiska sa kanya ang nakasukbit kanyang baywang na isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, ang na-rescue na menor-de-edad ay tinurned over sa Bahay Sandigan, isang pasilidad na itinayo ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na mangangalaga sa mga batang nagkasala sa batas.