AABOT 147 Malabueño beneficiaries na mga sertipikadong nangungupahan ng mga lupain kung saan nakatayo ang kanilang mga tahanan ang nakatanggap ng Certificate of Eligibility for Lot Allocation (CELA) matapos itong igawad sa kanila ni Mayor Jeannie Sandoval at ng Malabon City Housing and Urban Developing Department (CHUDD).
Ang CELA awarding ceremony na ginanap sa Penthouse ng Malabon City Hall ay bilang bahagi ng mga hakbangin ng lokal na pamahalaan para sa katuparan ng pangako nito na magbigay ng mas magandang pabahay at mga proyekto sa lupa para sa mga residente ng lungsod.
“Ipinagkaloob natin ang CELA sa mga mahal nating Malabueño upang mawala na ang kanilang mga alalahanin pagdating sa seguridad at lupang kinakatayuan ng kanilang mga tahanan. Bahagi ito n gating layunin na masiguro ang maayos, ligtas, at masayang pamumuhay ng ating mga kababayan habang naninirahan sa mga tahanan na ngayon ay matatawag nilang kanila na. Ito ay ating ipinangako noon at ngayon ay patuloy nating ipinapatupad. Nandito kami para umalalay sa inyo. Asahan ninyo na palaging bukas ang tanggapan ng pamahalaang lungsod para sa inyo,” pahayag ni Mayor Jeannie.
Ayon kay CHUDD concurrent head at City Administrator Dr. Alexander Rosete, ang mga benepisyaryo na nakatanggap ng CELA ay mga miyembro ng Sto. Niño Tenant Neighbor Association, Sangciangco Sports Complex Neighbor Association, Gulayan Pilapil Neighbor Association, at Catmon Pilapil.
Sinabi ni Dr. Rosete na ang pamamahagi ng CELA ay bahagi ng “Programang Palupa para sa mga Walang Lupa ng lungsod” na ipagkaloob sa mga Malabueño ang lupang pinagawaan ng kanilang mga bahay at matiyak na mapapangasiwaan nila ito ng maayos habang naninirahan sa ligtas.
Samantala, nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo kay Mayor Jeannie at sa Pamahalaang Lungsod sa pamamahagi ng mga CELA na ayon sa kanila ay makakatulong hindi lamang sa kanilang mga mahal sa buhay kundi maging sa mga pamilya ng kanilang mga anak sa hinaharap.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA