June 22, 2025

14 ARESTADO SA PAGNANAKAW NG P2.4-M CABLE WIRES SA CUBAO

Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 14 na indibidwal na sangkot sa pagnanakaw ng cable wires sa Cubao, Quezon City, sa loob lamang ng dalawang minutong pagresponde ng mga awtoridad.

Bandang 3:40 ng madaling-araw noong Linggo, Hunyo 22, nakatanggap ng sumbong ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen na nakakita sa isang grupo ng mga lalaki na nagkakarga ng mga kable sa isang 6-wheeler aluminum van sa kanto ng Mirasol Street at 20th Avenue, Barangay San Roque.

Pagdating ng mga nagpapatrolyang pulis na malapit sa lugar, inabutan nila ang mga suspek na may hawak na humigit-kumulang 147 metro ng cable wires na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2.4 milyon. Narekober din sa lugar ang mga gamit na pinaniniwalaang ginamit sa krimen tulad ng hacksaw at kadena.

Ayon kay PMGEN Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, ang mabilis na pag-aksyon ng mga pulis ay bunga ng maayos na deployment at mahigpit na implementasyon ng mga direktiba mula kay PNP Chief PGen Nicolas Torre III.

“Kapag tama ang puwesto at mahusay ang supervision sa ating mga pulis, mabilis at epektibo ang tugon sa mga insidente. Good job, QCPD!” ani Aberin.

Wala sa mga naarestong suspek ang nakapagpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay na sila ay may pahintulot sa kinuhang mga kable. Dahil dito, agad silang dinala sa barangay para sa paunang beripikasyon at kalaunan ay sa istasyon ng pulis para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10515 o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, bukod pa sa kasong qualified theft.

Hinimok ni Gen. Aberin ang publiko na maging alerto at makialam kung may kahina-hinalang kilos sa paligid.

“Huwag mag-atubiling tumawag sa 911 o lumapit sa pinakamalapit na barangay. Ang inyong agarang ulat ay maaaring makapagligtas ng buhay o makapigil sa krimen,” dagdag ni Aberin.

Ang insidente ay patunay ng kahalagahan ng kooperasyon ng komunidad at ng mabilis na aksyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa Metro Manila.