November 20, 2024

13K PULIS IKAKALAT SA TRASLACION NG ITIM NA NAZARENO

Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 13,000 pulis para tiyakin ang kaligtasan ng Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Manila sa Enero 9.

“Yung ating coordination through our district director ng MPD (Manila Police District) sinasabi nila na talagang babalik sa dating gawain ang pagsasagawa ng Traslacion ngayong 2024” ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.

Bukod sa PNP personnel, sinabi rin nito na maglalagay din sila ng K-9 units sa Traslacion o ang tradisyunal na prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno.

Inaasahang nasa 2.5 milyon na deboto ang dadalo sa prusisyon pero maari pa ring magbago ang bilang depende sa sitwasyon.

Ipinagbabawal sa “controlled areas” ay backpack, ball cap, at payong.

Dapat ding nakalagay sa transparent containers ang mga nagbabalak magdala ng tubig o anumang uri ng inumin.

Samantala, sinabi rin ni Acorda na nakadepende sa rekomendasyon ng ground commanders kung magkakaroon ng signal jamming ng cellphone.

Ngayong taon lang muling ibinalik ang Traslacion sa luma nitong format matapos suspendehin ang selebrasyon mula 2021 hanggang 2023 dahil sa coronavirus pandemic.