November 23, 2024

133 PATAY SA LEPTOSPIROSIS

SA pagnanais na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Carina, isinailalim sa Code White ng Department of Health (DOH) ang buong bansa.

Ayon sa DOH, inalerto na rin ang Centers for Health Development sa 17 rehiyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Batay sa direktiba ng kagawaran, inatasan ng DOH ang lahat ng regional offices at mga lokal na pamahalaan na bantayan ang kani-kanilang nasasakupan laban sa mga peligrong karaniwang nauuso sa pagkatapos ng isang kalamidad tulad ng hagupit ng bagyong Carina.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang banta ng leptospirosis matapos ilubog sa baha ang buong Metro Manila at mga karatig lalawigan.

“Health units are advised to conduct proactive monitoring and reporting of any untoward health incidents through the DOH Health Emergency Management Bureau (HEMB) integrated information system linked to the HEMB Operations Center.”

Sa datos ng kagawaran, may 1,258 kumpirmadong kaso ng nakamamatay na leptospirosis ang naitala mula Enero hanggang sa kasalukuyan. Sa naturang bilang 133 katao na ang binawian ng buhay.

Kabilang naman sa mga lalawigan na nakapagtala (mula Hunyo hanggang kalagitnaan ng Hulyo) ng pinakamaraming kurpirmadong kaso ng leptospirosis ang Zamboanga Peninsula, Caraga, Soccsksargen, Western Visayas, Mimaropa, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.