May 6, 2025

131 LGUs Balak Kasuhan ng ARTA Dahil sa Kabiguan Magpatayo ng e-BOSS Laban sa Red Tape at Katiwalian

MANILA — Maghahain ng kaso ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) laban sa 131 local government units (LGUs) na bigong sumunod sa mandato na magtayo ng Electronic Business One-Stop Shop (e-BOSS) — isang hakbang na layong pawiin ang red tape at korapsyon sa pagpoproseso ng mga pampublikong dokumento.

Ayon kay ARTA Director General Ernesto Perez, ipaghahain ng reklamo ang naturang mga LGU “within the week or next week” matapos mabigong tumugon sa mga ipinadalang notice to explain.

“Mayroon pong 431 LGUs na pinadalhan natin ng notices to explain para i-explain nila kung bakit hanggang ngayon hindi sila tumutupad sa direktibang ito… Kaya you expect po na within the week or next week, sasampahan po natin ng kaso about 131 LGUs,” ani Perez sa press briefing sa Malacañang ngayong Martes, Mayo 6.

Binigyang-diin ni Perez na direktiba mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasagawa ng streamlining at digitalization sa mga proseso ng pamahalaan upang labanan ang red tape.

“Napatunayan natin na ito ang pinakaepektibong paraan para labanan ang red tape at korapsyon — marami tayong datos na magpapatunay niyan,” dagdag pa niya.

Sa kabuuang 431 LGUs na padalhan ng notices, 134 ang hindi tumugon, bagay na lalong nagpadiin sa kanilang pananagutan.

Ipinunto rin ni Perez na alinsunod sa Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees, obligado ang mga LGU na tumugon sa mga katanungan, reklamo, o isyu sa loob ng 15 working days. Ang kabiguang gawin ito ay sapat na batayan para masampahan ng kaso.

“Ang mga mayor at hepe ng ahensya ang mananagot sa hindi pagsunod sa Ease of Doing Business Law. Dahil hindi sila sumagot, iyon ang aming legal basis. Hindi kami natatakot magsampa ng kaso dahil may malinaw kaming batayan.”

Ipinaubaya naman ng ARTA sa Office of the Ombudsman ang pagpapasya sa mga posibleng sanksyon sa mga LGU na masasangkot.

“Ang mandato po ng ARTA ay mag-imbestiga. Anumang resulta ay isusumite sa Ombudsman. Sila ang magpapasya kung ano ang nararapat na parusa.” Ang e-BOSS ay bahagi ng Ease of Doing Business Law na naglalayong gawing simple, mabilis, at digital ang mga proseso sa gobyerno, lalo na sa pagkuha ng mga business permit at iba pang dokumento.