ARESTADO ang 13 katao, kabilang ang pitong babae matapos ang magdamag na ginawang konsiyerto sa sugal na pusoy makaraang ireklamo sila ng mga nabubulahaw na kapitbahay, Huwebes ng madaling araw sa Caloocan city.
Hindi na nakapalag ang 13 sugarol nang matuklasang nasa likuran na nila ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 6 kaya’t matiwasay na lang na sumama sa mga pulis upang harapin ang kasong paglabag sa Presidential Decreee 1602 na nagpapataw ng parusa sa illegal na pagsusugal.
Sa ulat na tinanggap ni Caloocan police chief P/Col. Dario Menor, pasado ala-1 ng madaling araw nang makatanggap ng tawag sa telepono si P/Capt. Brian Ramirez, hepe ng Sub-Station 6 kaugnay sa patuloy na pagsusugal ng pusoy ng mga lalaki at babae sa Concepcion Alley Malolo Street, East Bagong Barrio, Brgy. 157 na sinimulan bago pa lamang lumatag ang dilim ng araw ng Miyerkules.
Lumilikha ng ingay ang konsiyerto ng sugal at nakakabulahaw na sa mga natutulog ng residente kaya’t itinatawag na ito sa pulisya.
Alas-2 ng madaling araw nang iutos ni Capt. Ramirez sa mga tauhan na puntahan ang sinasabing lugar at dito nila inabutan ang mga sugarol habang abala pa sa pagsilip sa hawak na baraha kaya’t hindi napuna ang kanilang pagdating.
Tatlong set ng baraha na gamit sa konsiyerto at mahigit P800.00 bet money ang nakumpiska ng kapulisan sa mga nadakip na gagamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kaso.
Bukod sa paglabag sa PD 1602, pagbabayarin din ng multa sa paglabag sa umiiral na ordinansa sa lungsod kaugnay sa social distancing ang mga nadakip habang may ilan din sa kanila ang walang suot na face mask o hindi maayos na pagkakasuot nito.
More Stories
BAGONG TATAG NA TARLAC CHAPTER & GYM KAAGAPAY SI SIKARAN OFFICIAL MASTER CRISANTO
Bagong gym, binuksan sa Navotas
PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM