
SAN MATEO, RIZAL — Nahuli na rin ang lalaking akusado sa panggagahasa ng sarili niyang menor de edad na second cousin, matapos ang halos siyam na taong pagtatago sa batas.
Bandang 5:30 ng hapon nitong Hunyo 10, 2025, matagumpay na naisagawa ang operasyon ng mga operatiba ng San Mateo Municipal Police Station (MPS) matapos isilbi ang warrant of arrest kay alyas “Gerald,” 28 taong gulang, tubong Batangas City at kasalukuyang residente ng Brgy. Ampid 1, San Mateo, Rizal.
Base sa ulat na nakarating kay Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director, ang operasyon ay isinagawa sa loob ng Custodial Facility – Male Dormitory ng San Mateo MPS sa Barangay Guitnang Bayan 1, San Mateo, Rizal.
Si Gerald ay una nang nadakip noong Hunyo 4 dahil sa mga kasong illegal na droga at pagsusugal, ngunit sa mas malalim na beripikasyon, lumutang ang isang warrant of arrest laban sa kanya para sa dalawang kaso ng sexual abuse, na may piyansang P400,000.00. Ang nasabing warrant ay inilabas pa noong Hunyo 28, 2016 ng Regional Trial Court, Branch 75 ng San Mateo, Rizal.
Sa imbestigasyon ng pulisya, si Gerald ay umano’y nanggahasa sa 13-anyos niyang pinsang babae, tinukoy sa alyas “Joy,” noong Enero 2016.
Ayon kay Maraggun, ang pagkakahuli kay Gerald ay resulta ng walang humpay na pagtutok ng mga tauhan ng San Mateo MPS sa mga high-profile criminal sa lalawigan.
“Hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi napapanagot ang mga kriminal, lalo na ang mga halang ang bituka na kayang abusuhin ang sariling kadugo,” pahayag ni Col. Maraggun.
Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng San Mateo MPS ang suspek habang inaasikaso ang legal na proseso. Ipinaalam na rin sa korte ang matagumpay na pagsisilbi ng warrant.
More Stories
Pacers Bumawi, Tinambakan ang Thunder sa Huling Yugto para Makuha ang 2-1 NBA Finals Lead
Tulak, isinelda sa P340K droga
No. 4 regional top most wanted person, huli sa Caloocan