Kumpleto na ang senatorial slate ng administrasyon para sa 2025 elections.
Ipinakilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 12 senatorial contenders na tatakbo sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ticket sa paparating na eleksyon.
Isinagawa ang pag-endorso sa ginanap na convention ng koalisyon ng administrasyon sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Kabilang sa mga panlaban ni Marcos sina Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Pia Cayetano, Senador Lito Lapid, Senador Francis Tolentino, Senador Imee Marcos, Senador Ramon ”Bong” Revilla Jr., dating Senador Manny Pacquiao, dating Senador Panfilo Lacson, dating Senador Vicente Sotto III, Deputy Speaker Camille Villar, at dating Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo.
“Nasabi ko na rin dati na marami tayong sanay at hasa sa serbisyo publiko. Hindi na po ito bago sa atin,” ayon sa pangulo.
“Walo po sa ating hanay ay beterano na Senador: Cayetano, Lacson, Lapid, Marcos, Pacquiao, Revilla, Sotto, at Tolentino. Pito ang may karanasan sa Kongreso: Abalos, Binay, Cayetano, Marcos, Pacquiao, Tulfo, at Villar.
Lima ang nahasa sa lokal na pamahalaan: Si Imee sa Ilocos Norte. Lapid sa Pampanga. Revilla, Cavite. Binay sa Makati. Tolentino ng Tagaytay. Tito Sen bilang Vice Mayor ng Quezon City,” dagdag pa niya.
“Apat din sa kanila ay nagsilbi bilang miyembro ng Gabinete: Abalos sa DILG. Tulfo sa DSWD. Lacson ng Yolanda Rehabilitation Commission. Tolentino sa MMDA. Pagdating naman sa geographical representation, dalawa ang taga-Mindanao: Pacquiao ng Bukidnon, Sarangani at GenSan. At si Erwin naman ay lumaki sa Davao Oriental at sa Sulu,“ pagpapatuloy pa niya.
“Bukod pa roon, ang unang Vicente Sotto ay naging senador ay taga-Cebu. Ang nanay naman namin ni Imee ay 100 percent Waray. At ang tatlong malalaking rehiyon ng Gitnang Luzon, Kamaynilaan, at Timog Katagalugan ay may boses sa ating koponan.
Mga kababayan: Sila po ang line-up ng Alyansa.”
Ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Bagong Pilipinas senatorial slate, pinili ang senatorial bets dahil sa kanilang suporta sa mga programa ng administrasyon ni Marcos upang iangat ang pamumuhay ng mga Filipino. “Ang mahalaga dito ay talagang susuporta at naniniwala sila na ang plataporma ng Bagong Pilipinas, iyan ang magpapaunlad sa buhay ng bawat Pilipino,” saad niya.
Inaasahang maghahain ang mga pambato ni Marcos ng kanilang certificate of candidacy maaga pa lang ng Oktubre.
More Stories
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY
PAGSISIKAP NG MARCOS ADMIN SA DIGITAL LITERACY NG MGA MATANDA, WELCOME KAY TIANGCO