Palaisipan sa mga awtoridad at sa pamilya ng 12-anyos na Grade 6 student ang umano’y ginawa nitong pagpapatiwakal sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City.
Dakong alas-7 ng gabi noong sabado nang madiskubre ang bangkay ng 12-anyos na estudyante sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa Barangay Potrero.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon Police chief P.Col. Albert Barot, huling nakitang buhay ang biktima ng kanyang 20-anyos na nakatatandang kapatid na lalaki dakong alas-5 ng hapon ng Sabado sa kanilang tirahan.
Nang tumawag ang kanilang ama bandang alas-7 ng gabi ay inutusan ang panganay na tawagin ang biktima para kausapin kaya’t umakyat kaagad ang binata patungo sa silid at dito niya nakita ang kapatid na nakadapa at may nakapulupot na lubid ng duyan sa leeg.
Kaagad niyang tinawag ang kanilang ina na noon ay nagluluto ng pagkain at mabilis nilang isinugod ang biktima, sa tulong ng mga kapitbahay, sa Fatima University Medical Center kung saan siya idineklarang “dead-on-arrival” ng mga doktor.
Sinabi ni Col. Barot na hinihintay pa nina P/SSgt Mardelio Osting at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, may hawak ng kaso, ang resulta ng isinagawang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima bago magsagawang muli ng pagsisiyasat sa kaso.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA