December 24, 2024

1,100 BI workers sumalang sa mandatory rapid test

MAHIGIT-KUMULANG sa 1,100 empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang sumailalim sa rapid antibody test mula ng nakaraang linggo nang iutos ng ahensiya ang mandatory testing sa lahat ng kanilang tauhan para sa COVID-19.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, tuloy-tuloy naman ang isinagasagawa nilang covid test sa kanilang mga empleyado hanggang lahat ng mga ito ay sumailalim na sa test.

Ito ay para masiguro umanong hindi infected ng virus ang kanilang mga frontliners.

Sa ngayon, 1,100 na raw sa 3,000 BI employees ang sumailalim sa test at 1,000 dito ang boluntaryong nagpasailalim sa covid test na isinagawa ng Immigration medical section.

           “We will continue to conduct these tests for our employees until all of them are tested. We have to make sure that our frontliners are not infected with this virus,” ayon kay Morente.

Samantala, nagpapasalamat naman ang hepe ng BI kay Manila Mayor Isko Moreno sa naging tugon nito sa hiling ni BI Deputy Commissioner Atty. Aldwin Alegre para sa isinagawang mandatory tests sa mga empleyado ng BI ng healthcare workers ng city health office.

        Una nang humingi ng tulong si Atty. Alegre. Chair ng BI Covid Task Force kay Moreno para magsagawa ng test dahil sa kakulangan ng manpower at resources ng medical section ng kawanihan

          “We owe a great deal of gratitude to Mayor Moreno for heeding our request and for sending a team of frontliners from the city health department despite their hectic schedule in conducting COVID tests for residents of Manila,” ani Morente.

Nilinaw rin ni Alegre na libre ang testing at test kits na ginamit, at nangako rin si Moreno na magsasagawa sila ng libreng swabbing para sa mga tauhan ng BI kapag nagbukas na ang laboratory para sa COVID testing.

Libre naman umanong maka-quarantine ang mga BI employees na kailangan ng isolation kapag na-expose sa virus, dagdag pa niya.

Kaugnay nito, sinabi ni BI Port Operations Chief Grifton Medina, na 328 immigration personnel na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang sumailalim sa rapid test na isinagawa ng Manila’s city health workers sa Terminal 3 bldg. sa Pasay City.

Nagpapasalamat din si Medina kay Manila city health officer Dr. Poks Pangan para sa tests, sa pagsaalang-alang  sa mga nagawa nito kahit nasa labas ng Maynila at para sa kaligtasan ng mga tauhan ng BI, na karamihan ay hindi residente ng nasabing siyudad.

Iniulat din niya na mahigit sa ilang daang BI frontlines sa international airport sa CEBU ang nakatakdang simulan na sumailalim sa rapid test na pangungunahan ng pamunuan ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA).