December 25, 2024

11 sabungero arestado sa tupada sa Navotas, Valenzuela

Nadakma ng mga awtoridad ang labing-isang indibidwal sa isinagawang anti-illegal gambling operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela at Navotas Cities.

Ayon kay PMSg Julius Mabasa, nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang District Special Operation Unit ng Nothern Police District (DSUO-NPD) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Jay Dimaandal hinggil sa nagaganap na illegal gambling na kilala bilang Tupada sa Pinalagad, Brgy. Malinta.

Agad bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni P/Capt. Melito Pabon saka pinuntahan ang naturang lugar, kasama ang 4th MFC RMFB at Valenzuela Police Sub-Station 4 dakong 11:50 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jericho Bajao, 29, Benjamin Adriano, 65, Manuelito Depala, 54, John Redondo, at 39, Nelson Adriano, 39, pawang residente ng Pinalagad Brgy., Malinta.

Narekober ng mga pulis ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P1,950.00 bet collection.

Sa Navotas, dakong alas-3:50 ng hapon nang salakayin din ng mga operatiba ng Navotas Police SOG/ Station Intelligence Unit sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, ang illegal na tupadahan sa Tulay Singko, Brgy. Daang-Hari na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rolando Boquilon Jr, 27, Dionisio Grate, 52, Joseph Bryan Cruz, 34, Seaman at  Guilbert Quintong, 33.

Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang panabong na manok na may tari at P600 bet money. Nauna rito, alas-11 ng umaga nang matimbog din ng mga operatiba ng SOG-SIU sa illegal na tupadahan sa Bagong Silang St., Bgry. San Jose sina Alejandro Lagaras, 60 at Cristopher Sagadal, 45. Nakuha ng mga pulis ang dalawang panabong na manok na may tari at P820 bet money.