December 24, 2024

11 ‘overstaying’ na Tsekwa, isinama sa blacklist ng BI

IPINAG-UTOS ng Bureau of Immigration (BI) na isama sa blacklist ang 11 Chinese nationals na nag-overstay sa bansa.

Inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente ang naturang kautusan na ilagay ang 11 dayuhan sa Immigration blacklist matapos silang atasan na umalis sa bansa makaraang bayaran ang kanilang multa dahil sa kanilang “overstaying” sa bansa.

“These aliens are now barred from re-entering the Philippines for violating the conditions of their stay. They were allowed to come here by availing a visa upon arrival (VUA), yet they abused that privilege by overstaying without valid reason and justification at all,” saad ni Morente.

Napag-alaman na dumating ang 11 blacklisted Chinese nationals sa magkakahiwalay na araw noong Nobyembre at Disyembre 2019 at Enero noong 2020, kung saan nasa siyam hanggang 10 buwan na silang overstaying sa Pilipinas.

Nauna dito, nasita ng mga opisyal ng Immigration ang visa ng mga nasabing dayuhan makaraang personal silang magpunta sa tanggapan ng BI sa Maynila upang i-update ang kanilang pananatili sa kung saan ipinakita pa nila ang kanilang mga plane ticket na katunayang nais na nilang umalis ng bansa.

Sa ilalim ng patakaran,  hindi pinapayagan na ang mga dayuhan na nagbigyan ng VUA na pahabain ang pananatili nito na lampas sa 30 araw.

Matatandaan na inilunsad ang VUA program ng pamahalaan tatlong taon na ang nakalilipas upang hikayatin ang Chinese tourists at tour group, upang payagan sila na makapag-travel sa Pilipinas at manatili rito ng hindi lalampas sa 30 araw nang hindi na kailangan pang mag-apply ng visas sa Philippine consulates mula sa kanilang pinanggalingang bansa.

Ang mga VUA grantees ay nag-aaplay sa pamamagitan ng mga tour operator na accredited ng Department of Tourism (DOT).

Gayunpaman, sinuspinde ang pagpapatupad sa VUA noong Enero, kasabay ng COVID-19 outbreak sa Wuhan at iba pang bansa sa China.

Nanatili pa rin ang pagsuspinde sa VUA habang patuloy na hinihigpitan ng pamahalaan ang pagpasok ng mga dayuhang turista dahil sa COVID-19 pandemic.