November 23, 2024

11 BABOY NA NAHARANG SA CHECKPOINT, POSITIBO SA ASF

Ininspeksyon ng mga tauhan ng Bureau of Aninal Industry, isang attached agency ng Department of Agriculture, katuwang ang mga pulis ng Quezon City Police Department, ang mga delivery truck sa Commonwealth Avenue upang matukoy kung ang kanilang mga inihahatid na meat products ay mayroong wastong mga dokumento upang maiwasan ang pagkalat ng African swine fever. (Kuha ni ART TORRES)

KINUMPIRMA ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na nagpositibo sa African swine fever (ASF) ang mga baboy sa isa sa mga naharang na truck sa Quezon City at Valenzuela noong Sabado.

Ayon sa DA-BAI, nakitaan ng sintomas ng ASF ang 11 sa mga baboy na bago pa ito sumailalim sa blood test kaya’t ipina-condemn na ang mga ito at inilibing sa central burial site bilang bahagi ng disease containment measure.

Naglatag na ng mga checkpoint sa hilaga at timog bahagi ng National Capital Region (NCR) bilang paghihigpit sa mga ibinibiyaheng baboy na may sakit.

Pinaalala ng Department of Agriculture (DA) na seryosong banta sa industriya ng babuyan ang ASF kaya hihigpitan pa nila ang quarantine sa mga baboy para hindi kumalat ang nasabing virus.