April 1, 2025

1,057 PDLs laya na – BuCor

Bilang bahagi sa kasalukuyang mga hakbang na sumasalamin sa maigting rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga indibiduwal pabalik sa ating lipunan, inanunsyo ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapalaya ng 1,058 persons deprived of liberty (PDLs) sa buong buwan ng Marso kabilang ang 188 na pinalaya sa ginanap na culminating activity sa New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa City ngayong Lunes, Marso 31. .

Sa datos ng BuCor umabot na sa kabuuang 20,629 PDLs ang nakalaya nang mag simula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na pinalaya na ng ahensiya ang 747 na PDLs dahil natapos na ang kanilang hatol, 159 ang nabigyan ng parole, 112 ang pinawalang sala ng hukuman, 21 ang nakakuha ng probation, 18 namam ang sa habeas corpus, at isa ang itinurn-over sa korte.

Kabilang sa mga lumaya ang 49 PDLs mula sa Correctional Institution for Women (CIW) in Mandaluyong City, tatlo sa CIW Iwahig Prison and Penal Farm , 16 sa CIW Mindanao, 141 sa Davao Prison and Penal Farm, 96 sa Iwahig Prison and Penal Farm, 81 sa Leyte Regional Prison, apat sa New Bilibid Prison, 150 galing sa Maximum Security Camp ng NBP, 182 mula sa Medium Security Camp ng NBP, 149 naman sa Minimum Security Camp ng NBP, 21 sa Reception and Diagnostic Center ng NBP, 52 sa Sablayan Prison and Penal Farm, at 114 buhat sa San Ramon Prison and Penal Farm.

Ang aktibidad ng pagpapalaya sa PDLs ay sinaksihan nina Justice Undersecretary Deo Marco na kinatawan ni Secretary Crispin “Boying” Remulla na nagdiriwang ng kaarawan ngayong araw, Justice Asec. Francis John Tejano, Atty. Ronald Macorol ng Public Attorney’s Office, Atty. Rachel Ruelo at Atty. Josefina Santos,kapwa Board members ng Board of Pardons and Parole

Binigyang-diin ni Usec. Marco ang kahalagahan ng pagyakap sa ikalawang pagkakataon kasabay ng panawagan sa mga bagong layang indibiduwal na muling buuin at ibangon ng positibong pananaw ang kanilang buhay at piliin ang sarili sa tunay na transpormasyon.

Ang mga salitang paghimok na ito ng opisyal ang siyang tumatak sa isipan ng mga lumayang indibiduwal at adbokasiya para sa katatagan laban naman sa panghuhusga sa lipunan at maging ang kinakailangang pagtuon sa pagbabagong buhay.

“Kahit may stigma, dapat tuluy-tuloy lang, mag set ng goals at mag focus, huwag hayaan na na yung nakaraang ang mag define ng inyong pagkatao,” sabi ni Usec. Marco.