January 20, 2025

10 sugatan sa pag-araro ng SUV sa Caloocan

SUGATAN ang sampung katao matapos araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang isang asian utility vehicle (AUV) at apat na motorsiklo bago banggain ang harapan ng isang botika sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Isinugod sa magkakaibang pagamutan sa Tala Hospital, Bernardino Hospital at Caloocan North Medical Center ang mga biktimang sina Rogelio Desiderio, 37 ng San Jose Del Monte, Bulacan, Charmaine Ann Lagunda, 35 ng Villa Angelica Subdivision, Brgy. 72 Caloocan, Jerry Mayor, 31, Rosemarie Mayor, 53, kapuwa residente ng Dolmar St. Brgy. 168, Anne Marjorie Sanchez, 33, ng Llano, Brgy. 167, Noella Rhose Maniego, 27 ng Palmera 1 Brgy. 175, Jericson Senias ng Pechayan St. Brgy. 177, Lemuel Francisco, Jerry Bayani, kapuwa nasa hustong edad at residente ng Camarin at isang hindi pa kilalang lalaki, sanhi ng mga tinamong pinsala sa kani-kanilang ulo at katawan.

Sa ipinadalang ulat ni Traffic North Office investigator P/Cpl. Froilan Dela Rosa kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, mabilis na tumatahak sa kahabaan ng Camarin Road ang isang Toyota Innova (NDU7654) na minamaneho ni Bryan Tan, 29 ng Blk 49 Lot 8 Ph. 4a, Sto. Niño, Meycauayan, Bulacan dakong alas-9 ng gabi nang salpukin nito ang kasalubong na isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Lemuel Francisco.

Sa halip na huminto, pinaharurot pa ni Tan ang sasakyan at sinakop ang kabilang linya ng kalsada na dahilan upang araruhin naman ang kasalubong na apat na motorsiklong sinasakyan ng iba pang mga biktima.

Huminto lamang ang SUV nang sumalpok na ito sa steel roll-up ng nakasaradong Genwin Pharmacy sa harapan ng Bellefonte Subdivision, Brgy. 174 na nagresulta sa pagkakadakip kay Tan.

Lumabas sa medical examination na positibo sa pag-inom ng alak si Tan kaya’t bukod sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties, kinasuhan din siya ng paglabag sa Section 53 ng R.A. 4136 o ang Driving while under the influence of liquor or narcotic drug sa piskalya ng Caloocan City. (JUVY LUCERO)