SINISI ng mga taga-Davao de Oro (Compostela Valley) ang talamak na pagmimina ng Apex Mining Co., Inc, sa probinsiya, na isa sa dahilan ng dinanas na pagguho ng lupa sa Masara, Maco noong gabi ng Pebrero 6.
Natabunan ng lupa ang tatlong bus na naglalaman ng mga manggagawa ng kumpanya, gayundin ang barangay hall at di mabilang na mga bahay. Sampu na ang iniulat na kumpirmadong patay, habang 49 ang nawawala pa. Nasa 86 pamilya, o 600 indibidwal, ang sapilitang inilikas sa lugar.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, pinakamalamang na sanhi ng landslide ang malalakas na ulan sa nakaraang linggo na bunsod ng shear line at papasok na low pressure area. Sa kabila nito, tuluy-tuloy ang pagpapatrabaho ng Apex Mining sa minahan. Beynte-kwatro oras ang operasyon nito, na tinatauhan ng mga manggagawa sa tatlong shift.
Ang Apex Mining ay pagmamay-ari ni Enrique Razon at pinatatakbo ni Luis Sarmiento. Kabilang sa mga namumuhunan dito ang malalaking kumprador na sina Ramon Y. Sy, Walter W. Brown, at Dennis A. Uy. Dati itong pag-aari ng multinasyunal na kumpanya sa pagmimina na nakabase sa United Kingdom, bago ito binili ng isang kumpanyang Malaysian, na nagbenta nito kay Razon. Kumita ang kumpanya ng ₱2.3 bilyon sa unang siyam na buwan noong 2023.
Matagal nang iniinda ng mamamayan sa Maco ang pinsalang idinulot ng mga open-pit mining ng Apex Mining sa lugar. Noong 2018, gumuho na rin ang lupa malapit sa minahan kung saan 279 pamilya ang sapilitang pinalikas. Bago nito, dalawang beses nang ipinasuspinde ang mga operasyon ng kumpanya.
Noong 2014, pinatawan ng Mines and Geosciences Bureau ng 1-buwang suspensyon ang kumpanya matapos matambak ang basura nito (tailings) sa katubigan ng komunidad. Noong 2016, isa ang Apex sa 20 operasyon ng pagmimina na isinuspinde ng noo’y kalihim ng DENR na si Gina Lopez dahil sa kabiguan nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad na nakapalibot dito, at pinsalang dala ng mga operasyon nito sa kalikasan.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO