May 24, 2025

10 KASO NG MPOX NAITALA SA SOUTH COTABATO

SOUTH COTABATO — Umabot na sa sampung (10) kaso ng monkeypox o mpox ang naitala sa lalawigan ng South Cotabato, ayon sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) hanggang nitong Mayo 22.

Ayon kay Eldon Hans Serame, health education and promotion officer ng IPHO, nakapagtala ng mga kaso sa mga sumusunod na lugar:

  • Tboli – 4 kaso
  • Surallah – 2 kaso
  • Banga – 1 kaso
  • Tantangan – 1 kaso
  • Lake Sebu – 1 kaso
  • Koronadal City – 1 kaso

“Ang pagtaas ng mga naitalang kaso ay indikasyon ng mas aktibong surveillance at mas mataas na awareness sa lalawigan,” ani Serame.

Dagdag pa ni Serame, walang partikular na lunas ang mpox kaya ang atensyon ng mga health authorities ay nakatuon sa pag-manage ng sintomas at agarang isolation ng mga pasyente habang hinihintay ang kumpirmasyon.

“Kapag may nakita tayong may sintomas, kahit wala pang confirmatory test, agad na natin silang ini-isolate at sinusimulan ang contact tracing,” paliwanag niya.

Ayon naman kay Dr. Conrado Braña, patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa pinagmulan ng hawaan, lalo na sa mga pasyenteng walang history ng paglalakbay.

“Hindi ito katulad ng COVID-19. Mas manageable ang mpox at malaking tulong ang mga health protocols na natutunan natin noong pandemya,” diin ni Braña.

Ang monkeypox ay isang viral zoonotic disease na karaniwang nagdudulot ng lagnat, sakit ng ulo, pantal sa balat, pananakit ng katawan, at paglaki ng mga kulani. Ito ay naipapasa sa pamamagitan ng malapitang kontak sa balat, body fluids, o respiratory droplets.

Patuloy ang panawagan ng IPHO sa publiko na maging mapagmatyag, i-report agad ang sintomas, at sundin ang minimum health standards upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.