November 3, 2024

10 arestado sa tupada sa Malabon

ARESTADO ang sampung katao matapos salakayin ng mga pulis ang isang illegal na tupadahan sa Malabon city, Linggo ng tanghali.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na si Rene Nanca, 38, Nestor Anggoring, 28, Richard Cagas, 31, Danny Tigawon, 54, Vicente Endrano, 45, Edgar Dela Cruz, 43, Jaime Crispo, 57, Joseph Biraquit, 37, Jerry Tigauon, 51, at Rowel Ogacho, 41.

Ayon kina police investigators PSSg Michael Oben at PSSg Jeric Tindugan, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Malabon Police Station Intelligence Section (SIS) hinggil sa nagaganap na illegal na tupada sa kahabaan ng T.S Cruz St., Brgy., Panghulo.

Bumuo ng team ang pinagsanib na mga tauhan ng SIS sa pangunguna ni PLT Joseph Alcazar at Sub-Station 3 sa pangunguna ni PMAJ Carlos Cosme Jr, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Barot.

Matapos nito, agad sinalakay ng mga pulis ang naturang lugar dakong alas-11:45 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P11,000 bet money.