ARESTADO ng pulisya matapos ang maikling habulan ang isa sa dalawang kawatan na nanloob sa isang vape shop sa Malabon City, kahapo ng madaling araw.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Bingbong”, 25 ng Brgy. Malinta, Valenzuela City, habang nagawa namang makatakbo palayo ang hindi pa kilala niyang kasama matapos iwanan ang gamit na bisikleta.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben, puwersahang pinasok ng dalawa ang 5R Vape Shop sa 102 M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog na pag-aari ng negosyanteng si Regina Rigor, 35, dakong alas-1:30 ng madaling araw matapos puwersahang buksan ang rolled-up door, gamit ang dala nilang kagamitan na pangwasak sa padlock.
Lumikha ng ingay ang ginawang pagwasak ng dalawa sa mga nakakabit na padlock kaya napansin sila ng testigong si Jonathan Estabillo, 27, na kaagad itinawag sa pulisya ang nagaganap na nakawan.
Patakas na sakay ng kani-kanilang bisikleta ang dalawang kawatan, tangay ang 16 na piraso ng disposable vape na nagkakahalaga ng P7,200.00, nang dumating sina P/Cpl. Federico Penida, Jr. at Pat. Cris Meredores ng Police Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakadakip kay ‘Bingbong’.
Nakuha sa suspek ang isang patalim, backpack na naglalaman ng tinangay nilang disposable vape, 2 burglar’s tools, plier, steel bar, ATM card at sirang padlock, pati na ang dalawang bisikleta na gamit nila sa pagtakas.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa nakatakas na suspek habang nanawagan sila sa ilan pang establisimiento na posibleng ninakawan din ng mga kawatan upang kilalanin ang nadakip na nakadetine ngayon sa custodial facility ng Malabon Police Station.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA